CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka matapos na umano’y tamaan ng kidlat nang magtungo sa kanyang sinasakang lupa sa Marabulig 2, Cauayan City.
Ang biktima ay si Romeo Pascua Sr., 65 anyos, may asawa, magsasaka at residente rin ng nabanggit na barangay.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, natagpuan ang bangkay ni Pascua sa gitna ng palayan ng kanyang pamangkin na si Resemito Lagos, 42 anyos, may-asawa at magsasaka.
Sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, nagtungo kahapon si Pascua sa kanyang sinasakang lupa upang magpatubig sa kanyang palayan ngunit hindi na nakabalik sa kanilang bahay matapos ang malakas na ulan.
Nagpasya ang kanyang pamangkin na puntahan ang biktima at nakita ang nakahandusay na katawan at wala nang buhay.
May nakitang sugat sa katawan si Pascua at nasunog ang mga buhok kaya pinaniniwalaang siya ay tinamaan ng kidlat.
Dinala sa Cauayan City District Hospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Kumbinsido ang pamilya ni Pascua na walang foul play sa kanyang pagkamatay kaya hindi na pinayagang isailalim sa otopsiya ang kanyang bangkay.






