CAUAYAN CITY– Desidido ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso ang pinaghihinalaang sumaksak at pumatay sa isang magsasaka sa Barangay Linumot, Jones, Isabela.
Ang biktima ay si Santiago Bareng, 65 anyos, may-asawa, magsasaka habang ang suspek ay si Rolly Suguitan, 50 anyos, magsasaka, kapwa residente Purok 5, Linomot, Jones, Isabela .
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj Felixberto Lelina, hepe ng Jones Police Station na ang biktima kasama ang kanyang misis ay papunta sa lamay ng kanilang namatay na kabarangay nang biglang lumitaw ang suspek.
Nagkaroon ng pagtatalo ang magbayaw tungkol sa itinanim umanong saging ng anak ng biktima sa bukid ng pinaghihinalaan.
Sa kalagitnaan ng pagtatalo ang dalawa ay naglabas ng patalim ang pinaghihinalaan at sinaksak sa kaliwang tiyan si Bareng.
Agad dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng kanyang attending physician.
Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na nakainom ng alak si Suguitan nang saksakin si Bareng.
Ayon kay PMaj Lelina, nagtungo sa himpilan ng pulisya ang ina at anak ng biktima at determinado silang sampahan ng kaso ang pinaghihinalaan.