CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka matapos suwagin ng kanyang kalabaw sa Nagbitin, Villaverde, Nueva Vizcaya.
Ang bangkay at nagkalat na gutay-gutay na damit ng biktimang si Rolly Vicente, 56 anyos ay natagpuan sa bukid ng kanyang kapamilya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Chief Insp. John Ricomano, hepe ng Villaverde Police Station, sinuwag ng kanyang alagang kalabaw ang biktima batay sa mga tinamong sugat mula sa sungay ng kalabaw sa kanyang leeg, tagiliran at balikat.
Huling nakita ang magsasaka na patungo sa bukid upang ipastol ang kanyang kalabaw.
Ayon pa kay Chief Insp. Ricomano, may record na umano ang kalabaw na sumusuwag.
Dahil hindi nakauwi si Vicente kinagabihan at hindi matawagan ang kanyang cellphone ay nagpasya ang kanyang pamilya na sundan siya sa bukid at doon natagpuan ang kanyang bangkay.
Agad na ibinenta ang kalabaw matapos ang insidente.