CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka matapos na pagbabarilin dakong alas-otso kagabi sa barangay Disusuan, San Mariano, Isabela.
Ang biktima ay si Sandro Baria, 45 anyos, magsasaka, may asawa at residente rin ng naturang barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cpl. Santos Ignacio ng San Mariano Police Station, sinabi niya na galing sa bukid ang biktima at maliligo sana sa kanilang banyo sa labas ng kanilang bahay nang siya ay pagbabarilin gamit ang improvised shotgun.
Ayon sa mga nakarinig, dalawa ang kanilang narinig na putok ng baril pero nagtamo ng limang tama ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Wala namang nakakita sa pangyayari dahil madilim ang paligid.
Batay sa misis ng biktima na si Evelyn Baria, wala namang nabanggit ang kanyang asawa na mayroon siyang kaaway.
Patuloy ang pagsisiyasat ng San Mariano Police Station sa pangyayari.






