
CAUAYAN CITY – Natagpuan na lamang na patay na ang isang magsasaka sa Faustino, Cauayan City matapos na magbigti kasunod ng panggugulpi sa kanya ng kanyang pinsan.
Ang nagpakamatay ay si Ramon Pirido, 38-anyos, may asawa, magsasaka at nangungupahan sa Purok 6, Faustino, Cauayan City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, batay sa ama ni Pirido, ginulpi ito ng kanyang pinsan na si Brando Pirido dakong 1:30 ng hapon kahapon dahil sa pagtatangka umano nitong pang-aabuso sexually sa asawa ng kanyang pinsan.
Kasunod nito, dakong 4:40 ng hapon kahapon ay nakita na lamang ito ng kanyang ama na nakasabit sa likod ng kanilang bahay at may taling plastic sa kanyang leeg at wala ng buhay.
Pambubugbog sa kanya ng pinsan nito ang nakikitang dahilan ng kanyang ama kaya nagawa nitong magpatiwakal.
Napag alaman din na sinabi umano ni Pirido sa kanyang pinsan na si Rudy Pirido na siya ay magpapatiwakal ngunit ang akala nila ay nagbibiro lamang ito.
Kumbinsido naman ang kanyang pamilya na siya ay nagpatiwakal.
Dinala na ang katawan nito sa isang punerarya sa Reina Mercedes, Isabela.










