--Ads--

Halos isang taon nang naghihintay ng indemnity claim ang isang magsasaka sa Aurora, Isabela matapos masira ang kanyang pananim dahil sa sunud-sunod na bagyong tumama sa lalawigan noong nakaraang taon, sa kabila ng umano’y kumpletong dokumentong isinumite niya sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Juanito Mauricio, sinabi niya na kumpleto ang mga dokumentong isinumite para sa crop insurance ng PCIC. Gayunman, hindi pa rin umano nailalabas ang kanyang indemnity claim dahil sa sinasabing kakulangan ng dokumento sa Regional Office ng ahensya.

Ayon kay Ginoong Mauricio, nagtungo na rin sa kanyang sakahan ang PCIC adjuster upang magsagawa ng validation at personal na inspeksyon sa mga nasirang pananim. Dahil dito, hindi niya maunawaan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin naipoproseso o nailalabas ang kanyang claim.

Dahil sa malalakas na hangin at tuluy-tuloy na pag-ulan dulot ng mga bagyo, halos lahat ng kanyang tanim na palay ay natumba. Sa halip na inaasahang ani, umabot lamang sa 26 kaban ang nakuha niya mula sa isang ektaryang sakahan, na lubhang malayo sa normal na produksyon na nasa 150 kaban.

Matagal na umanong naghihintay ang magsasaka ng malinaw na kasagutan, subalit ayon sa Local Government Unit (LGU), pinapayuhan lamang siyang maghintay ng updates mula sa PCIC.

--Ads--

Sa ngayon, isa sa pinakamalaking problema ni Ginoong Mauricio ang pagbabayad sa kanyang mga inutang para sa farm inputs tulad ng binhi, pataba, at iba pang gastusin sa pagsasaka, na lalong nagpapabigat sa kanyang kalagayan habang wala pa ang inaasahang tulong-pinansyal mula sa insurance.