
CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka matapos na suwagin ng alagang kalabaw sa Bautista, San Agustin, Isabela.
sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay dating Sangguniang Bayan Member Eddie Mayor ng San Agustin, Isabela, sinabi niya na patungo si Melanio Alitap, 43 anyos sa bukid para ipastol ang kaniyang kalabaw nang nasalubong nila ang isa pang kalabaw.
Nagalit at sinuwag si Alitap ng kanyang kalabaw nang ilayo niya ito para hindi sila mag-away ng nakasalubong na kalabaw.
Nabasag ang bungo at lumabas ang internal organs ni Alitap na naging sanhi ng agarang kamatayan.
Sinabi naman ng kamag-anak ni Alitap na si Gideon na walong taong nang inaalagaan ni Alitap ang kalabaw na sumuwag sa kanya.
Ang isang anak ng biktima ay namatay din matapos na suwagin ng isa pa nilang kalabaw.
Ipinabatid na nila ang nangyari kay Alitap sa kanyang misis na isang Overseas Filipino Worker (Ofw) sa Qatar.










