--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka matapos  na pagsasaksakin ng kanyang nakababatang kapatid sa barangay Minagbag, Quezon, Isabela.

Ang biktima ay si Benjamin Egar, 38 anyos, magsasaka habang ang suspek ay si Robert Jake Egar, 18 anyos, kapwa residente sa nasabing lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Roberto Valiente, hepe ng Quezon Police Station na nagsimula ang alitan ng magkapatid sa bisikleta na hinihiram ng biktima.

Hindi aniya ito ipinahiram ng suspek kaya nagkasagutan at nag-away sila hanggang sa pagsasaksakin ni Robert ang kanyang kuya.

--Ads--

Nagtamo ng maraming saksak sa katawan ang biktima pangunahin na sa dibdib, likod, tagiliran at tainga.

Sinubukan silang awatin ng kanilang kapatid na babae ngunit hindi nagpaawat ang ang suspek.

Ayon kay PMaj. Valiente, parehong nakainom ng alak ang dalawa dahil dumating ang biktima mula sa pakikipag-inuman sa ibang lugar habang ang binata ay uminom sa bahay ng kanilang kapatid na babae.

Ayon kay Robert, may mga unang pagkakataon nang nagasagutanna sila dahil makulit ang kanyang kuya.

Kapag nakakainom ng alak ay pinagbabantaan niya ang kanilang magulang na papatayin sila ngunit hindi naman niya ginawa.

Sa ngayon ay nasampahan na ng kasong homicide ang suspek.

Paalala ni PMaj. Valiente sa publiko na iwasan ang pag-inom ng alak dahil ito ang nag-uudyok sa isang tao lalo na kung may komprontasyon.

Nanawagan din siya sa mga opisyal ng barangay na tulungan ang mga pulis na magbantay para maiwasan ang ganitong pangyayari.

Ang pahayag ni PMaj Roberto Valiente.