CAUAYAN CITY – Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang isang lalaki matapos nitong saksakin ang sariling pinsan na kanyang kainuman sa Siffu, City of Ilagan.
Ang biktima ay si Freddie Jimenez, 36-anyos, may asawa, magsasaka habang ang pinaghihinalaan ay si Erol Jimenez, nasa wastong edad, magsasaka, pinsan ng biktima at kapwa residente ng nabanggit na barangay.
Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Casuayan sa City of Ilagan Police Station napag-alaman na dalawang beses na sinaksak ng pinaghihinalaan ang biktima.
Ayon kay Pcpl. Ace Valenzuela, tagasiyasat ng insidente, bago ang pananasaksak ay nagkayayaang mag-inuman ang magpinsan sa kanilang binabantayang sakahan, makalipas ang ilang sandali ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawa dahilan upang bumunot ang suspek ng patalim na siyang ginamit sa pananaksak sa ibabang bahagi ng likod ng biktima.
Dahil sa natamong sugat ng biktima ay agad itong dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga opisyal ng nabanggit na Barangay para sa posibleng pagkakatunton sa pinaghihinalaan na tumakas matapos ang insidente.











