--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang isang magsasaka matapos siyang tagain ng kapwa magsasaka sa Barangay Bintawan Norte, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang biktima na si Rey Jose, residente ng Brgy. Bintawan Sur habang ang suspek ay si Edwin Bartolome na residente naman ng Bintawan Norte, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Villaverde Police Station, nagkaroon ng pagpupulong ang mga magsasaka sa Barangay Bintawan Norte kung saan dito nagkaroon ng pagtatalo ang biktima at suspek hinggil sa isyu sa pagsasaka.

Matapos ang pagtatalo ay umuwi ang suspek sa kanilang bahay at bumalik sa lugar na may dalang panabas.

--Ads--

Hinamon umano nito ang mga tao sa lugar at nang makita ang biktima na may dala namang pala ay inundayan ito ng taga sa katawan at ulo.

Nagpangbuno ang dalawa subalit naawat naman sila ng mga tao sa lugar at nadala sa pagamutan ang sugatang biktima.

Nagawa namang tumakas ng suspek subalit kalauna’y naaresto rin ng mga rumespondeng pulis.

Sa ngayon ay nasa pagamutan pa rin ang biktima habang ang suspek ay nasa kustodiya na ng pulisya at mahaharap sa kasong Frustrated Homicide.