Isang insidente ng pamamaril ang naiulat sa Purok 3, Barangay Cabisera 27, City of Ilagan, Isabela noong Marso 27, 2026, bandang 6:35 ng gabi. Ang biktima ay kinilalang si Narciso Marin, 58-anyos, magsasaka, at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, si Marin ay pauwi mula sa kanyang taniman ng tabako kasama ang anak na si Joe Marin y Agtarap. Habang magkaangkas sa magkahiwalay na motorsiklo, dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang blue Honda PCX motorcycle ang sumunod sa biktima. Bigla umanong nagpaputok ang back rider at tinamaan si Marin sa likod. Agad namang tumakas ang mga suspek patungong Barangay Villa Imelda.
Matapos ang insidente, agad na dinala ng mga opisyal ng barangay ang biktima sa San Antonio Hospital sa Barangay Centro San Antonio, kung saan siya ay patuloy na ginagamot ng mga doktor.
Batay sa ulat ng pulisya, ang lugar ng pamamaril ay nasa liblib na bahagi ng barangay, sa gitna ng taniman ng mais, na tinatayang aabutin ng 45 minutong biyahe bago marating.
Patuloy ang follow-up investigation at dragnet operations ng operatiba upang matukoy at maaresto ang mga suspek na sangkot sa pamamaril.










