--Ads--

CAUAYAN CITY- Labis labis ang pasasalamat ng isang magsasaka na si Ginoong Rodolfo Valiente ng Sta. Isabel Sur, Ilagan City ng Ilagan sa lahat ng nagbigay ng tulong sa kanyang pamilya.

Ito ay kasunod ng kanyang emosyonal na panawagan sa Bombo Radyo Cauayan matapos mahulog ang pera na pinagbentahan ng nag-iisang baka para sana sa pambayad sa ospital ng kanyang maysakit na anak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Valiente, malaki ang kanyang pasasalamat dahil sa dami ng tao na tumulong sa kanila hindi lamang dito sa bansa maging sa ibayong dagat.

Maalalang nagviral sa social media ang facebook post ng video ni Ginoong Valiente na umabot na nang mahigit 100,000 views, 7,000 likes at mahigit 18,000 shares.

--Ads--

Ayon pa sa kwento ni G. Valiente, wala siyang plano noon na magtungo sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan subalit mistula umanong itinulak siya ng Panginoon na pumunta rito at manawagan.

Nasa mahigit limamput anim na libong piso na ang natanggap na tulong pinansyal ni Ginoong Valiente mula sa ibat ibang tao na tumulong sa kanya at asahan pa na madagdagan ito.

Sa ngayon ay nasa isang priadong pagamutan dito sa Cauayan City ang kanyang anak na patuloy na nakikipaglaban sa sakit na puso.