--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto matapos makumpiskahan ng maraming baril bala at magazine ang isang magsasaka na dating security escort ng isang pulitiko sa Roxas, Isabela.

Ang inaresto ay si Isabelo Canaoay, 58 anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Aurora, Quezon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Senior Inspector Dennis Matias, hepe ng Quezon Police Station na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intellgence Division ng Police Regional Office 2, Provincial Intelligence Branch ng Isabela ng IPPO at Quezon Police Station ang pagsisilbi ng search warrant na ipinalabas ni Hukom Bernabe Mendoza ng RTC Branch 23, Roxas, Isabela.

Nagresulta ito ng pagkakasamsam ng mga baril na kinabibilangan ng Caliber 38 revolver, Caliber 45 pistol, improvised gauge 12 shotgun, M14 armalite rifle, 6 na bala para sa Caliber 38, 37 na bala para sa Caliber 45, 10 bala para sa Caliber 22, isang bandolier, isang holster, dalawang magazine ng Caliber 45 at 6 na magazine ng M14 .

--Ads--

Walang naipakitang dokumento si Canaoay kaya inaresto siya ng mga pulis.

Ayon kay Sr. Inspector Matias, ilang kabarangay ng suspek ang nagbigay ng impormasyon hinggil sa kanyang pag-iingat ng mga baril at bala.

Dinadala pa umano ng suspek ang ilan sa kanyang mga baril at ginagamit na panakot sa ilang magsasaka na nakakaaway niya sa patubig.

Bukod dito ay nagpapaputok din umano siya kapag nasa impluwensiya ng alak.