Dinakip ng mga otoridad ang mag tiyuhin dahil sa pagbebenta ng ninakaw na baka sa Barangay Pallas, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Novalyn Aggasid ang tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na unang nagreklamo sa PNP ang may-ari dahil sa pagkawala ng inaalagan niyang baka subalit makalipas ang ilang linggo ay nabalitaan niyang ibinebenta na umano ito.
Agad na nagkasa sila ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang suspek matapos nilang ibenta ang baka sa operatibang umaktong buyer kapalit ang P26,000.
Matagumpay namang nabawi ng mga Pulis ang babaeng baka na ninakaw ng mga suspek habang nakuha pa sa kanilang pag-iingat ang isang caliber 38 revolver.
Batay sa pagsisiyasat ng Pulisya na hindi ito ang unang beses na sangkot ang mag-tiyuhin sa pagbebenta ng ninakaw na baka dahil lumalabas sa kanilang mga nakalap na impormasyon na matagal na ang mga ito sa iligal na kalakaran ng pagnanakaw subalit ito ang pagkakataong buhay ang baka na kanilang ibinenta kumpara sa mga naunang pagkakataon na kinakatay umano ang mga ninakaw nilang hayop.
Nag paalala ngayon ang PNP sa mga nag aalaga ng baka, kalabaw maging kambing na bantayan ang mga alaga at kung maaari ay ipastol ito sa ligtas na lugar na kanilang nababantayan.
Palala rin sa mga nag bibiyahe ng mga hayop na tiyaking magdala ng mga kumpletong dokumento upang walang maging paglabag kung sila ay masisita sa mga PNP checkpoints.