--Ads--

Aabot 20,000 claims for indemnity ang inaasahang matatanggap ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) mula sa mga magsasaka na naapektuhan ng Bagyong Nando, na tinatayang mahigit ₱200 milyon ang kabuuang bayad sa pinsala.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Louterio Sanchez Jr., Claims Adjustment Division Chief ng PCIC sinabi nitong unang isinagawa ang general assessment upang makita ang lawak ng pinsala ng bagyo sa Region 2.

Batay sa kanilang pagsusuri, malubhang naapektuhan ang mga pananim na palay at mais sa hilagang bahagi ng Cagayan, partikular sa mga bayan ng Sta. Ana, Gonzaga, Sta. Teresita, Buguey, Aparri, at karatig-munisipyo, kabilang na rin ang mga lugar na nakaranas ng Signal No. 5 gaya ng  Babuyan Islands at malapit sa Calayan at Batanes.

Ayon kay Sanchez, 85% ng mga indemnity claims ay mula sa Cagayan, habang ang natitira ay mula sa Isabela, partikular sa mga pananim na nasa maturity stage.

--Ads--

Sa kabuuang pagtaya na 20,000 claims, halos 5,000 ang agad na naisumite tatlong araw matapos manalasa ang bagyo. Subalit, hanggang nitong nakaraang linggo noong Setyembre 25, umabot na sa halos 10,000 ang natanggap na claims o kalahati ng kanilang pagtaya.

Ipinaliwanag ni Sanchez na susuriin ng mga claims adjuster ang bawat aplikasyon upang matiyak ang pagiging lehitimo ng claim, at matukoy ang antas ng pinsala bago ito aprubahan o tanggihan.

Ang magsasaka na mapatunayang nasiraan ng pananim ay makatatanggap sila ng kaukulang benepisyo mula sa PCIC.

Nagyong Linggo ay maaari nang magsimula ang pag-release ng mga cheke dahil naisagawa na ng PCIC Region 2 ang  parametric settlement of claims. Ito ay unang ipinatupad sa mga bayan ng Gattaran at Baggao, Cagayan.

Sa sistemang ito, hindi na dadaan sa pisikal na inspeksyon ng adjusters ang lahat ng claims. Sa halip, ginagamit ang geo-tagging ng mga sakahan, damage indicators gaya ng wind intensity mula PAGASA, at satellite images upang mas mabilis na ma-proseso ang bayad-pinsala.

 Sa kasalukuyan, mahigit 700 claims ang sakop ng parametric settlement – 560 mula Gattaran at 150 mula Baggao.

Paalala naman ng PCIC, tanging mga magsasakang may aktibong insurance policy lamang ang makatatanggap ng indemnity claims. Kapag walang rekord ng insurance, hindi sila kabilang sa makikinabang sa pondong nakalaan.