Umabot sa mahigit ₱24.6 milyon na cash assistance at family food packs (FFPs) ang naipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Nando sa Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niya na nasa 1,510 benepisyaryo mula sa bayan ng Gonzaga at 959 mula sa Sta. Ana ang tumanggap ng tig-₱10,000 sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program, kalakip ng tig-isang kahon ng FFP.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ang pamamahagi at iginiit na handa ang pamahalaan na magbigay ng agarang tulong at suporta sa mga pamilyang matinding naapektuhan ng kalamidad.
Dagdag pa ng Pangulo, muling ia-allocate ang ₱36 bilyong pondo na orihinal na nakalaan para sa flood control projects sa 2026, upang mapondohan ang mga pangunahing programa ng DSWD tulad ng AICS, Disability-Inclusive Social Protection for Children, at ang Sustainable Livelihood Program (SLP).
Ang pagbisita ng pangulo ay bahagi ng patuloy na relief operations ng pamahalaan upang matiyak na ang tulong ay direktang makararating sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Ngayong araw ay magtutungo naman ang pamahalaang panlalawigan kasama ang DSWD sa Calayan upang mamahagi ng tulong sa mga apektadong residente.
Una nang nakapagdeliver ng 3,000 family food packs ang DSWD sa nasabing bayan at dinagdagan pa ito ng karagdagang 6,000 dahil sa dami ng mga apektadong residente.
Dadagdagan pa ito ngayong araw ng 1,000 na dadalhin ng eroplanong sasakyan ng mga kawani ng DSWD at pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.










