Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang mahigit ₱30 milyong halaga ng iligal na droga sa Port of Clark sa Pampanga.
Ayon sa inilabas na pahayag nitong Biyernes, nagmula sa Netherlands ang shipment na idineklarang solar cables at nakatakdang ipadala sa Pasig City. Na-intercept ito matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at makitaan ng indikasyon ng illegal substance sa isinagawang K-9 sniff test.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasang naglalaman ang shipment ng anim na transparent plastic pouches na may kabuuang 6,156 gramo ng ketamine, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱30,780,000. Nakatago umano ang mga ito sa ilalim ng isang wooden cable spool na may nakapulupot na mga kable.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, bawat nasasabat na shipment ng droga ay katumbas ng mga buhay na naililigtas at mga pamilyang napoprotektahan laban sa kapahamakan.
Dagdag naman ni District Collector Jairus Reyes, patuloy na nagpapalit ng taktika ang mga smuggler kaya kinakailangan ding paigtingin ang profiling systems at palakasin ang kakayahan ng mga examiner upang mapanatiling ligtas ang mga borders ng bansa.
Nasamsam ang kontrabando sa bisa ng Warrant of Seizure and Detention dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.











