CAUAYAN CITY – Lubos ang kasiyahan ng mga mag-aaral ng San Isidro Elementary School sa barangay San Isidro, Cauayan City na nabiyayaan ng mga school supplies na ipinamahagi ng mga personnel ng Bombo Radyo Cauayan sa pangunguna ni Station Manager Bombo Mariel Gomez.
Ang pamamahagi ng mga school supplies sa mahigit 100 na mag-aaral ay bahagi ng pagdiriwang ngayon ng ika-51 na founding anniversary ng Bombo Radyo Cauayan na unang napakinggan sa himpapawid noong Agosto 14, 1968.
Nasorpresa ang mga guro at mag-aaral dahil hindi sinabi sa kanila ni Head Teacher Amor Lagunilla na ang mga regalo na kanilang matatanggap ay mula sa Bombo Radyo Cauayan.
Bukod sa mga guro ay nagpasalamat din si Ginang Beth Edigado sa dagdag na kagamitan sa pag-aaral ng kaniyang anak.
Lubos din ang pasasalamat ng mga mag-aaral ng San Isidro Elementary School sa kanilang natanggap na gamit mula sa Bombo Radyo Cauayan.
Samantala, labis na natuwa ang grade 2 pupil na si Mica Joy Manahan na nabigyan ng bag at slippers sa kahilingan ng kanyang guro na naawa sa bata na naglalakad nang malayo.
Ayaw umano ng bata na mapudpod o mapigtas ang kanyang tsinelas kaya bitbit niya ito sa kanyang paglalakad.
Pangarap ng bata na maging doktor para makatulong sa mga magulang at sa mga taong maysakit.
Katuwang sa pamamahagi ng mga school supplies si Mrs. Krystal Gayle Agbulig, kinatawan ng SM Foundation na isa sa mga donors.