CAUAYAN CITY – Nasa mahigit isandaang pamilya sa Lunsod ng Tuguegarao ang nananatili sa mga evacuation centers habang ilang daan at tulay ang hindi pa rin madaanan dahil sa mga patuloy na pag-ulan na nararanasang sa rehiyon dos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Francis Joseph Reyes, tagapagsalita ng OCD region 2 na may mga evacuees sa Lunsod ng Tuguegarao ang nanatili pa rin at nagpasko na sa loob ng mga evacuations center.
Ang mga evacuees ay galing sa mga barangay Annafunan at Centro, Tuguegarao City kung saan hindi pa bumababa ang antas ng tubig baha sa nabanggit na dalawang barangay.
Sinabi pa ni Ginoong Reyes na umaabot sa 106 na pamilya o 386 na tao ang nagpasko sa loob ng mga evacuation centers.
Samantala, bukas naman sa mga motorista ang daan papasok at papalabas ng rehiyon dos pangunahin na sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Ang Manila North Road o patungong Ilocos Norte Via Claveria and Santa Praxedes ay bukas din sa mga motorista bagamat nananatiling one-lane passable ang Santa Praxedes Area dahil sa naganap na landslide noong buwan ng Nobyembre.
Hindi pa rin madaanan ang Pinacanauan Overflow Bridge sa Lunsod ng Tuguegarao dahil sa mataas na antas ng tubig at putik maging ang Annafunan to core shelter bypass road ay hindi pa rin madaanan.
Hindi pa rin madaanan ang Magassi bridge sa Cabagan, Isabela.
Samantala, natagpuan noong ikadalawamput apat ng Disyembre ang bangkay ng mangingisda sa bayan ng Pamplona na nauna nang naiulat na nawawala sa bayan ng Aparri habang patuloy pang hinahanap ng Phil. Coast Guard ang kasamahan nitong mangingisda.
Pinaalalahanan pa ng OCD region 2 ang mga mamamayan na manatiling mapagmatyag at ang mga nakatira malapit sa ilog ay inaabisuhang maging maingat dahil sa mga nararanasang pag-ulan.