Nakikinabang ang mahigit isang daang Person Deprived of Liberty (PDL) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan City sa Good Conduct Time Allowance (GCTA), na nagbibigay ng bawas sa sentensya kapalit ng mabuting asal at aktibong pakikilahok sa mga programa sa loob ng pasilidad.
Sa Panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Chief Inspector Susan Encarnacion, Acting District Jail Warden ng BJMP Cauayan, ang isang PDL na may maayos na pag-uugali ay maaaring mabawasan ng hanggang labindalawang araw kada buwan sa unang dalawang taon ng kanyang pananatili sa kulungan.
Sinabi pa niya na kung ang isang PDL ay nahatulan ng tatlong taong pagkakakulong, maaari nitong mapabilis ang kanyang paglaya kung tuluy-tuloy ang magandang asal at pagsunod sa mga patakaran.
Dagdag ni Encarnacion, ang mga PDL na lumalahok sa mga programang pang-rehabilitasyon gaya ng Teaching and Mentoring (TASTM) ay may karagdagang labinlimang araw na bawas sa sentensya bawat buwan.
Batay sa datos ng BJMP Cauayan, noong nakaraang taon ay tinatayang 18 hanggang 19 na PDL ang nakinabang sa malaking bawas sa kanilang sentensya sa ilalim ng GCTA, kabilang ang mga may nalalabing sentensya na mas mababa na sa 20 araw.
Nitong buwan ng Enero, isang PDL ang tuluyang nakalaya sa pamamagitan ng GCTA matapos ang mahigit dalawang taong pananatili sa pasilidad at dahil sa maayos na rekord at magandang asal.
Sa kasalukuyan, may 130 PDL ang nasa loob ng BJMP Cauayan facility. Inaasahan ng pamunuan na mas marami pang PDL ang mahihikayat na sumunod sa mga patakaran at makilahok sa mga programang pang-rehabilitasyon.
Layunin ng Good Conduct Time Allowance na mabawasan ang pagsisikip sa mga kulungan at maisulong ang disiplina, rehabilitasyon, at positibong pagbabago ng mga PDL bilang paghahanda sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan.









