CAUAYAN CITY- Nagsipagtapos ngayong araw ang mahigit isang libong mag-aaral ng Isabela State Univeristy Cauayan Campus na ginanap sa F.L. Dy Coliseum.
Halo-halong emosyon ang naramdaman ng mga magulang at mag-aaral dahil ito na ang katuparan ng matagal nilang inaasam na makapagtapos sa pag-aaral.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nico Bucad, isa sa mga graduate, sinabi niya na bagama’t bigo siyang mapabilang sa listahan ng mga latin awardees ay masaya pa rin siya dahil ito na ang simula ng kaniyang journey sa professional world.
Dadalhin naman niya ang kaniyang apat na taong karanasan sa kolehiyo sa kaniyang paghahanap ng trabaho.
Samantala, labis din ang kasiyahan ng mga magulang ng mga mag-aaral na nagsipagtapos ngayong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Martin Baccay, sinabi niya na kahit nakapagtapos na ang kaniyang anak ay hindi titigil ang kaniyang suporta para rito.
Ito pa lamang aniya ang simula ng kanilang karera at kinakailangan pa rin ng suporta ng mga magulang para makamit ng kanilang mga anak ang kanilang mga inaasam sa buhay.
Hangad naman niya na makahanap ng magandang trabao ang kaniyang anak at maging matagumpay sa buhay.
Samantala, nagpahayag naman ng pagbati ang Presidente ng Isabela State University System sa lahat ng mga graduates.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Prof. Boyet Batang, President ng ISU System, umaasa siya na makapagbibigay din ng karangalan sa Unibersidad ang mga batch of graduates ngayong taon kagaya na lamang ng mga naunang batch na namayagpag sa iba’t ibang mga larangan.
Kumpiyansa naman siya na naibigay ng unibersidad ang nararapat na edukasyon para sa lahat ng mga mag-aaral na makatutulong sa kanila upang magtagumpay sa buhay.






