--Ads--

CAUAYAN CITY- Umaabot na sa mahigit isang libong manok ang namatay sa isang poultry farm na nagsanhi upang malugi ang may-ari ng nasabing manukan.

Gayunman, nilinaw ni Sangguniang Panlalawigan Member Rolando Tugade at isa ring poultry raiser na ang mga manok na kanyang tinutukoy ay hindi namatay dahil sa Avian Flu kundi namatay dahil sa katandaan o di kaya ay na-highblood at dahil sa mainit na temperatura.

Ipinaliwanag ni SP Member Tugade sa kanyang pagsasalita sa panlalawigan konseho sa regular session na dati ang kanilang mga manok ay mayroong itinakdang araw upang agad na mabenta o bibilhin ng mga Contract Grower ngunit dahil sa pagpasok ng maraming frozen chicken mula sa labas ng Isabela ay hindi nabibibili agad ang kanilang manok kayat lumalampas na sa araw na dapat nilang anihin.

Ito anya ay nakakadagdag sa gastusin nila sa feeds, kuryente, tubig at maging bayad sa inuupahang mga manggagawa.

--Ads--

Dahil dito nais ni SP member Tugade na magkaroon ng tugon ang Kagawaran ng Pagsasaka o DA at salaing mabuti ang mga pumapasok na Frozen Chicken dito sa Isabela.

Ipinaliwanag naman ni Vice Governor at Presiding Officer Antonio Albano na hindi maaaring pagbawalan na pumasok sa Isabela ang mga Frozen Chicken na pumasa sa pamantayan at pagsusuri ng Bureau of Animal Industry at hindi apektado ng anumang sakit.

Sinabi niya na tayo ay nasa malayang kalakalan kung kayat hindi maaaring pagbawalan ang pumapasok na magnegosyo sa Isabela.

Sumang-ayon naman dito si SP Member Tugade.