Mahigit 1,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang umuwi sa Pilipinas sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Miyerkules.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, as of 12 ng tanghali ay umabot na sa 1,189 OFWs ang nagpahayag ng intensyong magparepatriate o umuwi ng bansa.
Narito ang bilang ng mga OFW na nais umuwi batay sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan:
Bahrain — 278
Abu Dhabi — 246
Dubai — 231
Qatar — 173
Kuwait — 62
Israel — 46
Lebanon — 5
Lalong tumindi ang tensyon sa rehiyon matapos ang magkasanib na operasyong militar ng United States at Israel laban sa Iran noong nakaraang Linggo.
Sa kabila nito, nilinaw ng Department of Migrant Workers (DMW) na wala pang ipinatutupad na malawakang repatriation sa ngayon. Gayunman, naghahanda na ang pamahalaan ng mga alternatibong paraan ng paglikas, kabilang ang land travel, sakaling lumala pa ang sitwasyon.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ibabatay ng pamahalaan ang kanilang hakbang sa itatakdang alert level ng Department of Foreign Affairs (DFA).









