--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihahanda na ng mga biktima ng online investment scam  ang kasong syndicated estafa na isasampa nila laban sa nagpakilalang team manager at mga senior agent na umano’y pinapadalhan ng bayad sa account ng mga invites at kanilang upline.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa isa sa mga nabiktima ng scam at naghahabol na maibalik ang pera na si Ginoong Rizal Valdez, residente ng Minante I, Cauayan City na ang investment scheme ay sa pamamagitan  online platform na may mga taong nag-invite sa kanila na sumali sa pamamagitan ng panonood ng mga video sa Tiktok.

Marami sila dahil sa Isabela ay mahigit 1,000 at karamihan ay mula sa Cauayan City at Burgos, Isabela.

Nakakasali sila sa investment scheme sa pamamagitan ng pagregister at pagbukas ng account  sa website na phtop.vip.

--Ads--

Nag-invest sila para bumili ng vip account at ang pinakamababang puwedeng ipuhunan ay 3,850 pesos na may katumbas na videos na panonoorin.

Ayon kay Ginoong Valdez, noong una ay nakaka-withdraw sila ngunit noong malapit nang matapos ang Disyembre 2021 ay nagpa-promo ang website ng buy 1 take 1 sa mga accounts kaya maraming nahikayat na mag-invest nang malaki.

Sa panig ni Ginoong Valdez ay halos 700,000 ang kanyang investment.

Sumali lamang siya noong December 7, 2021 ngunit mula noong ikalima ng Enero 2022 ay isinara na ang website.

Ipinaliwanag ni Ginoong Valdez na kapag bumili ng vip 3 ay makakatanggap sila ng 5 video.

Ang halaga ng bawat video ay 22 pesos at kikita sila ng 110 pesos.

Ang minimum na puwedeng i-withdraw ay 500 sa pamamagitan ng paglalagay ng impormasyon sa GCASH account o bank account.

Sa unang linggo ng kanyang pasali ay kumita rin siya ngunit sa buy 1 take 1 sila nadale dahil  hindi na sila nakapagpa-withdraw.

Kapag bumibili sila at cash ang ibabayad ay ibinibigay nila sa middleman o sa manager na si Florendalyn Oria dahil siya ang may contact sa internal team.

May mga binabanggit siyang tao na kahit minsan ay hindi nila nakita.

Ang mga pangalan nila ay Angelus Tan habang ang pinapadalhan nila ng pera ay si Alex Oyo sa  pamamagitan ng isang account sa bangko.

Si Oria ang contact person o kumukuha kapag cash ang ibabayad nila  ngunit kapag sa bangko o online transaction ay kinukunan nila ng screenshot at ipinapadala nila kay Oria dahil siya ang may contact sa sinasabin niyan internal team.

Ayon kay Ginoong Valdez, marami ring guro at may ilang principal ang  nabiktima sa scam matapos silang mahimok na mag-invest.

Nahimok silang mag-invest dahil sa sinabing ang Return of Investment (ROI) ay matatanggap nila sa loob 35 days at ang kontrata ay sa loob ng isang taon ngunit walang hard copy.

Sa kanyang panig ay umabot sa 679,000 ang kanyang investment dahil bumili siya ng maraming account.

Ang 28,700 na investment sa isang account ay kikita ng  820 pesos bawat araw.

Nang hingin nila ang tulong ni Oria para makapagsampa sila ng kaso laban sa mga taong binanggit niya ay wala na siya sa address na sinabi niya.

Noong dumulog sila sa National Bureau of Investigation (NBI) at himpilan ng pulisya sa Lunsod ng Cauayan at Alicia, Isabela ay iba-ibang address ang kanyang ibinigay.

Wala silang ibang mahahabol  kundi pinayuhan sila ng NBI na si Oria ang sasampahan ng kaso dahil siya ang may contact sa internal team.

Ang aral aniya na nakuha sila sa kanilang karanasan sa scam ay walang mabilis na paraan para kumita ng pera kundi kailangan na paghirapan.

Ang pahayag ni Ginoong Rizal Valdez

Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo Cauayan, iginiit ni Ginang Florendalyn Oria na biktima rin siya ng scam.

Natatakot siya dahil mayroon siyang mga death threats.

Invite din siya  at ang senior agent ay si Angelus Tan at mayroon ding grupo sa Whatsapp ng mga invites nila at naroon sila sa core group.

Noong gabi ng January 5, 2022 ay tinanggal sila sa core group at hindi lang siya ang nakakausap ni Tan kundi si Francis Eugenio at mayroon ding ibinigay na ebidensiya sina Carlo Asuncion at Caroline Abdullah.

Ang mga ebidensiya na hawak niya ay ibinigay na niya sa NBI at tumawag na rin siya sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Nagbigay sila ng mga  ebidensiya sa NBI  na hindi napupunta sa kanila ang pera kundi may application  na nakalagay na kay Alex Oyo ipapadala ang pera.

Inamin ni Gng. Oria na may panahon na tumatanggap siya ng pera kapag nakikisuyo ang mga invites.

Kung ang mga invites ay nagbabayad sa kanilang account ay kinukunan ng screenshot na siyang ipinapadala nila sa senior agent.

Ipinapadala nila sa kanyang Union Bank account ngunit may proof siya na inililipat kay Alex Oyo na siyang lumalabas sa platform.

Iginiit ni Ginang Oria na hindi niya kilala ang mga pinapadalhan at ang nakakausap lamang nila ay si deputy director Angela Dulie ng whatsapp at mga kasama sa core group na naiipit dahil pinagbibintangan sila na kumuha sa pera ng mga invites.

Ayon kay Ginang Oria, ang akala nila ay totoong totoo ang platform dahil may mga admin na Pilipino sa Whattsup kasama si deputy director Angela Dulie.

Iginiit niya na biktima rin sila at napaniwala sila na lehitimo ang investment ngunit napatunayan nila na maraming reklamo kay Alex Oyo.

Sinabi pa niya na hindi siya nagtatago kundi nag-iingat lang siya dahil sa maraming banta sa kanyang buhay.

Ang pahayag ni Florendalyn Oria.