CAUAYAN CITY – Humigit kumulang 10,000 punla ng iba’t ibang uri ng forest trees ang naitanim ngayong araw sa isinagawang malawakang tree planting activity sa Sitio Lagis, Barangay Sindon Bayabo, Ilagan City pangunahin na sa may gilid ng ginagawang Ilagan-Divilacan Road sa Kilometer number 21.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan , ipinahayag ni Environment and Natural Resources Officer Geronimo Cabaccan na mayroon na ring mahigit 100 ektarya ang muling natamnan ng punong kahoy sa magkabilang gilid ng ginagawang Ilagan-Divilacan Road.
Ito ay alinsunod na rin sa kasunduan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sa bawat puno na puputulin at masasagasaan ng ginagawang daan ay kinakailangang mapalitan ng sampung punong-kahoy.
Ngunit inialok ng provincial government ng Isabela na sa halip na sampong seedlings ang ipapalit sa bawat matutumbang kahoy ay gagawin nilang isang daang punong kahoy ang kapalit.
Hiniling ng provincial Government ng Isabela sa DENR na dagdagan pa ang ibibigay na reforestation site upang lalong kakapal ang mga punong-kahoy sa nasabing lugar na bahagi ng Sierra Madre
Iba’t -ibang sangay ng pamahalaan na kinabibilangan ng PNP, Philippine Army, Phil. Airforce, BFP, DENR , ISELCO 1 at ISELCO 2 , DPWH, iba’t-ibang Rescue Units, LGUs ng Isabela, NGOs at iba pa, ang nakibahagi sa nasabing tree planting.




