CAUAYAN CITY – Natanggap na ng mahigit isang daang libong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Region 2 ang tulong mula sa Social Amelioration Program ng DSWD.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jeaneth Lozano, Information Officer ng 4Ps Program ng DSWD Region 2, sinabi niya na sa 106,000 miyembro ng 4Ps sa rehiyon ay nasa isang daang libo na ang nakakatanggap.
Aniya, nakuha nila ang kanilang emergency subsidy sa pamamagitan ng kanilang cash cards.
Gayunman, bawat miyembro ay P4,150 muna ang natanggap dahil hiwalay na ibibigay ang kanilang rice subsidy na P600 at health grant na P750 bawat buwan.
Kailangan kasi aniyang masunod ang nakatakdang araw para ibigay ang kanilang grants.
Sa kabuuan ay makakatanggap pa rin ng P5,500 ang bawat benepisaryo.











