Nasabat ng Malaysian Maritime Enforcement Agency (MMEA) ang dalawang oil tanker na hinihinalang nagsasagawa ng ilegal na ship-to-ship oil transfer sa karagatang sakop ng Penang, matapos makumpiska ang crude oil na nagkakahalaga ng higit 512 milyong ringgit o tinatayang $129.9 milyon.
Nangyari ang operasyon 24 nautical miles sa kanluran ng Muka Head, kung saan namataan ang dalawang tanker na magkadikit habang nakadaong sa dagat. Ayon sa MMEA, hindi pa tukoy ang pinagmulan ng langis na inililipat ng mga ito.
Bukod sa kargamentong langis, tinatayang 718 milyong ringgit ang kabuuang halaga ng dalawang tanker. Sakay ng mga ito ang 53 crew members na binubuo ng mga Chinese, Burmese, Iranian, Pakistani, at Indian. Inaresto ang dalawang kapitan ng barko at isinailalim sa imbestigasyon ng mga opisyal ng Penang state maritime investigation.
Matagal nang binabantayan ng mga awtoridad ang mga karagatang sakop ng Malaysia dahil sa madalas na ilegal na paglilipat ng langis sa dagat, isang taktika na ginagamit upang pagtakpan ang tunay na pinanggalingan ng kargamento. Dahil dito, mas pinaigting ng pamahalaan ng Malaysia ang pagpapatupad ng mga regulasyon laban sa ganitong gawain mula pa noong nakaraang taon.
Nahaharap ang mga tanker sa kasong ilegal na pag-angkla na may multang $25,300, at ilegal na ship-to-ship oil transfer na may multang $50,600 bawat barko.





