--Ads--

‎Umabot sa 134 barangay radio operators mula sa iba’t ibang barangay sa Cauayan City ang lumahok sa isinagawang orientation na layuning palakasin ang emergency communication at koordinasyon sa panahon ng insidente o kalamidad.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Cañero, Head ng BGD Command Center, sinabi nito na tinalakay sa aktibidad ang tamang pagpapatakbo ng Barangay Emergency Operation Center, kabilang ang wastong paggamit ng radyo at pagsunod sa communication etiquette upang matiyak ang maayos at mabilis na daloy ng impormasyon.

Ibinahagi rin niya na kabilang sa layunin ng orientation ang pagpapatatag ng linkages sa pagitan ng LGU Cauayan, mga barangay, at BGD Command Center upang maging mas epektibo ang pagtugon sa mga emergency.

Ipinaliwanag sa mga kalahok kung kailan dapat i-activate ang operation center at kung paano dapat ipaabot ang mga ulat mula sa barangay patungo sa command center.

--Ads--

Ayon kay Cañero, maayos naman ang kasalukuyang komunikasyon sa barangay level, ngunit patuloy pa itong pinatitibay upang masiguro ang mas mabilis na pagresponde sa anumang sitwasyon.

Dagdag pa nito, mahalaga ring mapalakas ang paggamit ng official emergency hotline ng lungsod dahil ito ang pangunahing linya sa pag-uulat ng insidente, kasabay ng pagpapaigting ng koordinasyon sa iba’t ibang barangay.‎