CAUAYAN CITY – Bumaba na sa mahigit isang libo apat na raan ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Isabela matapos na maitala ang halos 400 na gumaling ngayong araw.
Sa inilabas na abiso ng pamahalaang panlalawigan, naitala ngayong araw ang 394 na gumaling kaya bumaba na sa 1,478 ang aktibong kaso na nasa 1,714 kahapon .
Kahapon ay naitala rin ang 159 na bagong kaso at pinakamarami ang Santiago City na may 27, sumunod ang Angadanan na may 24 habang 15 sa Cauayan City, 13 sa Ilagan City, tig-siyam sa Jones at San Mateo, 8 sa Quirino, 7 sa Echague, 6 sa Aurora, 5 sa Tumauini, tig-aapat sa Cabatuan, Cordon at Mallig, tig-tatatlo sa Cabagan, Gamu, Naguilian at Ramon, tig-dadalawa sa Alicia, Benito Soliven, Reina Mercedes at Roxas habang tig-iisa naman sa Luna, San Agustin, San Isidro at San Manuel.
Dahil dito ay umabot na sa 9,075 ang tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan ng Isabela, 7,407 ang gumaling, 1,478 ang aktibong kaso at 189 ang nasawi.
Sa mga aktibong kaso ay lima ang locally stranded individuals, 134 ang Health Workers, 42 ang pulis at 1,297 ang mula sa local transmission.
Muling pinaalalahanan ng pamahalaang panlalawigan ang publiko na sundin ang mga alituntunin at huwag lumabas sa tahanan kung hindi kinakailangan para makaiwas sa virus.
Samantala, sa anunsiyo kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque ay nanatiling nasa GCQ ang lalawigan ng Isabela kabilang Cagayan at Nueva Vizcaya habang ang Santiago City at Quirino ay isasailalim sa MGCQ simula bukas hanggang April 30, 2021.











