SAN MARIANO ISABELA – Dinala sa pagamutan ang mahigit labinlimang pamilya sa Sitio Caunayan, Brgy. Old San Mariano dahil sa pananakit ng tiyan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Fernando Pabroa, Kagawad ng nasabing purok at residente rin sa nasabing lugar na marami na sa kanyang kapurukan ang naisusugod sa pagamutan.
Ang ilan sa kanila ay nakauwi na habang may mga biglaang itinatakbo pa rin sa ospital.
Dahil dito ay ipinatawag na ang Sanidad ng bayan ng San Mariano at isang nurse sa nasabing bayan upang bisitahin ang lugar.
Batay umano sa mga ito, ang tubig na malapit sa sapa ang dahilan ng pananakit ng tiyan, pagduduwal, at pagdudumi ng mga tao.
Ayon naman sa isang nagbabantay sa mga pasyenteng naisugod sa San Mariano Community Hospital, marami na sa kanilang pamilya at iba pang kapurukan ang nakalabas na sa pagamutan at marami pa rin ang nasa ospital sa kasalukuyan.
Katunayan ay mayron na namang naisugod kahapon.
Nasa iba’t ibat mga pribadong pagamutan sa lunsod ng Ilagan, Naguilian, San Mariano Community Hospital at lunsod ng Santiago ang mga pasyente.
Nananawagan naman sila sa mga kinauukulan na tingnan ang kanilang mga kalagayan dahil salat din sila sa pinansiyal na pangangailangan.