CAUAYAN CITY- Sinira ng mga awtoridad ang mga nakumpiska at surrendered na mga ilegal firecrackers sa lalawigan ng Isabela.
Ito ay ginanap sa harapan ng Grandstand ng Isabela Police Provincial Office o IPPO.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Lee Allen Bauding, Provincial Director ng IPPO, sinabi niya na ang naturang aktibidad ay bunga ng kanilang Oplan Tambuli kung saan maraming mga firecracker vendors ang nag-surrender ng mga ilegal na paputok.
Karamihan sa mga illegal firecracker na nai-surrender sa kanila ay ang Kwitis na may kabuuang bilang na 1,190, sinundan ito ng 5 Star na aabot sa 263 at pumangatlo ang boga.
Sinira ang mga ilegal na paputok sa pamamagitan ng pagbasa sa mga ito at paghukay sa lupa habang ang mga nakupiskang boga naman ay pipitpitin.
Ayon kay PCol. Bauding, tinatayang aabot sa 70,000 pesos ang kabuuang halaga ng mga sinirang ilegal na paputok.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na iwasang gumamit ng mga illegal firecrackers dahil hindi lamang ito nagdudulot ng pinsala sa katawan dahil maaari rin itong maging sanhi ng sunog.
Samantala, nagdagdag na sila ng mga kapulisan na magbabantay sa mga places of convergence gaya ng mga malalalaking establishimento, junctions upang matiyak na maging tahimik at mapayapa ang pagsalubong sa bagong taon.
Aniya, hindi na sinelyuhan ang mga issued firearms ng mga kapulisan ngunit nagbaba umano sila ng direktiba sa mga Chief of Police na higpitan ang gagawing supervision sa kanilang mga personnel upang masiguro na walang magpapaputok ng baril sa pagsalubong ng bagong taon.
Kung mayroon mang mapatuna yang nagpaputok ng baril na Pulis ay masasampahan ng kaukulang kaso at maaari madismiss.