--Ads--

‎Umabot na sa kabuuang 2,487 service clients ang naitala ng Department of Migrant Workers (DMW) na napagkalooban ng iba’t ibang serbisyo ng kanilang tanggapan sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Isabela.

‎Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ng ahensya ay ang pag-iisyu ng Overseas Employment Certificate (OEC), information sheet, legal assistance sa ilalim ng Single Entry Approach (SENA), at evaluation para sa livelihood assistance at action fund.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Mael Josua Talosig, Labor and Employment Officer III ng DMW Protection Division, sinabiniya na kabilang sa mga natulungan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuwi ng bansa dahil sa distress, maltreatment, at paglabag sa kontrata.

Aniya, kadalasan ay may dalang referral o certification mula sa Migrant Workers Office (MWO), na dating Philippine Overseas Labor Office (POLO), ang mga naturang OFW bilang requirement upang ma-evaluate at ma-qualify sa tulong-pinansyal ng ahensya.

--Ads--

‎Sa ilalim ng reintegration programs ng DMW, mayroong Livelihood Assistance at Action Fund. Ang mga distressed at maltreated na OFW, kabilang ang mga nakaranas ng contract violation, ay maaaring makatanggap ng livelihood assistance na nagkakahalaga ng ₱10,000, batay sa isinagawang evaluation ng kanilang kaso.

‎Samantala, para naman sa mga OFW na umuwi dahil sa problemang pangkalusugan o sakit na nakuha habang nagtatrabaho sa ibang bansa, may nakalaang medical assistance na maaaring umabot sa ₱50,000 hanggang ₱75,000, depende sa assessment ng ahensya.

‎Nagbibigay rin ang DMW ng death assistance para sa pamilya ng OFW na nasawi sa abroad. Kabilang dito ang repatriation of remains, kung saan maaaring makipag-ugnayan ang pamilya sa tanggapan ng DMW upang maiuwi ang labi ng nasawing manggagawa. Matapos ang repatriation, maaari ring mag-apply ang pamilya para sa death claim assistance na nagkakahalaga ng ₱200,000.

‎Patuloy namang hinihikayat ng DMW ang mga OFW at kanilang pamilya na lumapit sa kanilang tanggapan upang agarang maiproseso ang kinakailangang tulong at benepisyo.