--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng malawakang kilos protesta o Unity Ride kahapon ang umaabot sa 2,000 motorcycle riders sa region 2 para tuligsain ang doble plaka na nakasaad sa Motorcycle Crime Prevention Act of 2017.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mr. Dante Ordinario, Officer-in-charge ng Region 2 Riders Federation, sinabi niya na ang kanilang isinagawang Unity Ride ay maglalayong iparating sa pamahalaan ang kanilang pagtutol sa naturang batas.

Ito ay dahil malaking diskriminasyon ito sa kanilang hanay dahil para na rin umanong sinasabing kriminal ang lahat ng mga motorcycle riders.

Naniniwala rin sila na magdudulot aksidente ang pagkabit ng dalawang malaking plaka sa mga motorsiklo.

--Ads--

Iginiit niya na kung nais ng pamahalaan na paigtingin ang kampaniya kontra kriminalidad ay mas mabuting maging centralized ang paggamit ng CCTV Camera para agad na makita ang kriminal at maaksiyunan agad ng mga otoridad.

Sa isinagawang Unity Ride ng Region 2 Riders Federation ay nagtipun-tipon ang mahigit 2,000 na riders mula sa iba’t ibang bayan at siyudad sa region 2 sa 4-lanes sa Malvar, Santiago City.

Umaasa sila na sa kanilang kampanya laban sa doble plaka ay marinig ang kanilang boses at maayos ang gagawing Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Motorcycle Crime Prevention Act of 2017.