CAUAYAN CITY – Patuloy ang monitoring ng Office of Civil Defense (OCD) region 2 sa mga lugar na binabaha dahil sa patuloy na pag-ulan sa ikalawang rehiyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Francis Joseph Reyes, Information Officer ng OCD region 2 dahil sa patuloy na pag-ulan ay muling nabaha ang maraming barangay sa mga bayan at lunsod sa region 2 pangunahin sa Isabela at Cagayan.
Sa Isabela ay naranasan ang mga pagbaha sa Lunsod ng Cauayan, Lunsod ng Ilagan, Delfin Albano, Tumauini, Cabagan, San Pablo, Sta. Maria, Roxas, Benito Soliven, San Guillermo, San Mateo at Maconacon.
Sa lalawigan ng Cagayan ay sa Tuguegarao City, Alcala, Amulong, Enrile at Solana dahil sa pagtaas ng water level sa mga ilog.
Nakaranas din ng pagbaha sa barangay Rizal, Diffun, Quirino.
Ayon kay Ginoong Reyes, umabot sa 6, 816 na pamilya o 28, 959 na indibidual ang inilikas sa Isabela, Cagayan at Quirino dahil sa pagbaha.
Umabot sa 1,223 na pamilya o 4,170 na indibidual ang nananatili pa rin sa 79 na evacuation center
Sa lalawigan ng Cagayan ay mayroong 728 families o 2,439 na tao ang inilikas at nananatili sa 45 evacuation centers.
Sa Isabela ay umabot sa 277 families o 945 na tao habang 5 pamilya o 23 na tao sa lalawigan ng Quirino.
Inihayag pa ni Ginoong Reyes mayroon ding displaced families na nakituloy sa kanilang mga kamag-anak o mga kapitbahay na aabot sa 640 na pamilya o 2,308 na tao.
Aabot sa 358 families o 2,300 na tao ang nasa loob ng 34 na evacuation centers.
Samantala, maraming overflow bridges ang hindi pa rin madaanan dahil sa mataas na water level sa Cagayan River.
Kabilang dito ang Itawes bridge sa Tuao, Cauayan at Divisoria bridge sa Tuguegarao City .
Sa Isabela ay ang obverflow bridges sa Sta. Maria, Sto. Tomas. Cabagan, Baculod at Cabiseria 8 sa Lunsod ng Ilagan; Alicaocao, Cauayan City maging ang mga overflow bridges sa Echague at Angadanan, Isabela.
Sa lalawigan ng Quirino ay hindi madaanan ang San Pedro overflow bridge sa bayan ng Maddela.
Nalubog din sa baha ang ilang ang circumferential road sa Lunsod ng Ilagan na nagkokonekta sa mga barangay.