--Ads--

CAUAYAN CITY – Isinailalim sa pre-emptive evacuation ang mahigit 300 individual sa Divilacan, Isabela dahil sa bagyong Goring.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engr. Ezikiel Chavez, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Divilacan na marami na ang lumikas sa kanilang bayan.

May 100 pamilya o 362 individual na mula sa iba’t ibang barangay kung saan pinakamaraming inilikas mula sa barangay Dilakit at Ditarum at maari pa itong madagdagan.

Karamihan sa mga lumikas ay light materials ang bahay, mga dumagat at malapit sa tabing dagat at ilog ang bahay.

--Ads--

Tiniyak naman niya na may mga stockpile nang nakahanda sa mga barangay na ibibigay sa mga maaapektuhan ng bagyo.

Ayon kay Engr. Chavez, pahirapan ang komunikasyon sa ibang barangay at radyo lamang ang kanilang nagagamit.

Ipinagbabawal ngayon ang pagpalaot ng anumang uri ng sasakyang pandagat dahil nakataas na ang gale warning signal sa mga baybayin ng Divilacan dahil sa matataas na alon dulot ng Bagyong Goring at mahigpit na ring ipinapatupad ang liquor ban.

Payo nila sa publiko na laging mag-ingat lalo na sa mga nakatira sa mga isolated na lugar at kung may kailangan man sila ay makipag-ugnayan lamang sa kanilang LGU para sila ay matulungan.

Tinig ni Engr. Ezikiel Chavez.