CAUAYAN CITY – Mahigit 200 na individual ang inilikas sa mga evacuation center sa Maconacon, isabela kung saan naglandfall kaninang 10:30 ng umaga ang bagyong Florita.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Private First Class (PFC) Jaymor Dionido, Civil Affairs NCO ng 95th Infantry Battalion Philippine Army na inilikas sa mga paaralan ang 69 families o 227 na individual sa ilang barangay sa bayan ng Maconacon.
Ayon kay Pfc Dionido, bago naglandfall ang bagyo ay naramdaman ang malakas na ulan at mataas naman ang hangin.
Walang mga napinsalang bahay maliban sa mga natumbang puno ng kahoy.
Patuloy ang monitoring ng 95th IB sa mga barangay sa bayan ng Maconacon.
Unang nagsagawa ng preemptive evacuation ang pamahalaang lokal ng Divilacan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Constante Foronda na 17 families o 76 individual ang inilikas sa evacuation center dahil gawa sa mga light materials ang kanilang mga bahay.
Dahil sa pagtaas ng water level ng Cagayan River ay hindi na madaanan ang overflow bridge sa Baculod, Lunsod ng Ilagan.
Samantala, kaninang umaga ay sinuspindi ni Governor Rodito Albano ang klase sa lahat ng level sa Isabela maging ang trabaho ng mga pampublikong tanggapan at mga ahensiya ng pamahalaan.
Sinabi ni Gov. Albano na nasa pagpapasya ng mga pamahalaang lokal ang pagsasagawa ng preemptive evacuation depende sa sitwasyon sa kanilang lugar.