CAUAYAN CITY – Aabot na sa 35,760 family food packs ang ipinagkaloob na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) region 2 sa mga Local Government Units (LGUs) na nagpatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Marciano Dameg, head ng Disaster Response Management Division ng DSWD region 2 na nagbibigay sila ng karagdagang ayuda sa mga LGU’s
Pangunahin aniyang hinihingi ng LGU’s sa DSWD region 2 ay ang mga family food packs at non-food items sa mga nagdeklara ng ECQ at MECQ sa ikalawang rehiyon.
Ang mga non-food items ay kinabibilangan ng sanitation kit na naglalaman ng alcohol, facemask, disinfectant, bitamina at iba pa.
Sinabi ni Ginoong Dameg na aabot sa 4,800 family food packs ang naibigay na sa lalawigan ng Quirino; 1,350 sa Nueva Vizcaya, sa Isabela ay 9,409 at Cagayan ay nasa 20, 210.
Pinakamarami aniyang naipagkaloob sa Cagayan dahil sa Lunsod ng Tuguegarao ay maraming naapektuhan sa ipinatupad na ECQ at GCQ.





