--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasunog ang mahigit 40 ektarya ng pastulan sa Bontoc, Mt. Province.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni SFO1 Clifford Chinalpan, Acting Municipal Chief Operartion at Deputy Municipal Fire Marshall ng Bontoc Fire Station na patuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat sa pagkakasunog ng mahigit 40 ektarya ng pastulan sa kanilang nasasakupan.

Inaalam pa nila kung sino ang nagsunog at kung ano ang kanyang intensyon.

Aniya, madalas mangyari sa kanilang lugar lalo na kung mainit ang panahon ang pagkasunog ng mga kahalintulad na lugar at sa mga kabundukan.

--Ads--

Ito aniya ang panahon na naglilinis ang mga magsasaka sa kanilang mga bukirin para ihanda sa pagtatanim.

Sinusunog nila ang mga naiipon nilang damo sa kanilang bukirin at dahil sa init ng panahon ay mabilis kumalat ang apoy at nadadamay ang mga kabundukan.

Minsan ay nagiging dahilan din ang mga apoy na iniiwanan ng mga nagtetrekking sa mga kabundukan.

May mga nag-aalaga ng hayop din na sinusunog ang mga damuhan para tumubo ang mga damo at doon ipinapastol ang kanilang mga alagang hayop.

Ayon kay SFO1 Chinalpan, may mga ordinansa naman sa bayan ng Bontoc na ipinagbabawal ang pagsusunog sa kabundukan pero sadyang matitigas ang ulo ng mga tao.

Paalala nila sa mga mamamayan na iwasan ang pagsusunog sa kanilang mga bukirin para maiwasan ang forest fire.

Tinig ni SFO1 Clifford Chinalpan.