CAUAYAN CITY- Mahigit apatnapung delagado ng Department of Education o DepEd Region 2 ang nakaranas ng mga karamdaman habang nasa Cebu City para sa Palarong Pambansa 2024.
Tatlumpu sa mga ito ay nakaranas ng soar throat na mga atleta habang labing apat naman ang nagkaroon ng Loose Bowel Movement o LBM na kinabibilangan ng siyam na atleta, dalawang coaches at tatlong technical working group.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ferdinand Narciso, Regional Sports Officer ng Deped Region 2, sinabi niya na ang apatnapu’t apat na atletang nagkasakit ay pawang mga recovered na.
Aniya, isa sa mga nakikita nilang dahilan kung bakit marami sa kanila ang nagkakasakit dahil pabago-bagong lagay ng panahon sa Lungsod ng Cebu dahil lagi umanong umuulan sa lugar at kung minsan ay bahagyang binabaha ang kanilang mga billeting quarters.
Malamok din aniya sa venue kaya naman nag-request na sila ng fogging ngunit sa ngayon ay wala pa namang natatamaan sa kanila ng Dengue.
Patuloy naman ang koordinasyon ng medical team ng host City sa mga regional medical teams para umantabay sa mga atleta na nagkakasakit.