--Ads--

Umabot na sa 461 na kaso ng Influenza-like illness ang naitala ng Cagayan Valley Medical Center simula buwan ng Agosto hanggang kasalukuyan.

88 kaso ang naitala noong Agosto, 163 noong Setyembre, 198 kaso noong Oktubre habang 12 na kaso ang naitala ngayong Nobyembre.

51% ng kabuuang datos ay mga edad 1-10; 18% ay mga edad 11-20%; 8% ay 21-30 years old; 17% ay 31-50 years old; habang 7% naman ay mga senior citizens.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Cherry Lou Molina Antonio, Medical Center Chief ng Cagayan Valley Medical Center, sinabi niya na bahagyang may pagtaas sa kaso ng influenza-like illness ngayong 2025 kung ikukumpara sa nakalipas na taon.

--Ads--

Sa kabila ng pagtaas ng kaso ay wala naman umanong outbreak.

Ayon kay Dr. Antonio, kapag ang isang pasyente ay nakitaan ng sintomas ng Influenza-like illness ay ina-isolate agad ang mga ito upang maiwasan ang hawaan.

Ang mga positibo sa naturang sakit ay hindi naman kaagad ina-admit maliban na lamang kung nangangailangan ang mga ito ng sapat na atensyong medikal.

Para maiwasan ang influenza ay tiyaking maging malinis sa katawan, ugaliing mag-sanitize, at magpabakuna kontra flu upang hindi agad madapuan ng virus.

Kapag may sintomas ng sakit ay agad na komunsulta sa doktor at magsuot ng face mask upang hindi makahawa.