--Ads--

Tinatayang nasa 400 mananampalataya ang nagtipon sa St. James the Apostle Parish Church bilang pakikiisa sa paggunita ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Naging daluyan ng panalangin at paninindigan ang pagtitipon, kung saan isinagawa ang candle lighting at pagsasabit ng puting ribbon bilang simbolo ng pagkakaisa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jaya Mae Dumlao, isa sa mga lumahok at residente ng lungsod, ibinahagi niya ang kanilang panawagan kaugnay ng kasalukuyang kalagayang panlipunan at pamamahala.

Aniya, nababahala siya sa pagtaas ng buwis na hindi aniya nasasabayan ng dekalidad na serbisyong pampubliko.

--Ads--

Binigyang-diin nito na ang paggunita sa EDSA ay hindi lamang pag-alala sa nakaraan kundi paalala rin na may pananagutan ang mga halal na opisyal na magpatupad ng mga programang tunay na makikinabang ang mamamayan.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng integridad sa hanay ng mga lider ng pamahalaan at hinikayat ang kapwa mamamayan na maging mapanuri at aktibong makilahok sa mga usaping panlipunan.

Samantala, sinabi ni Ginang Ela Alvarez, 76-anyos at retiradong guro, na sariwa pa rin sa kanyang alaala ang pagkakaisa ng mga Pilipino noong 1986. Aniya, ang diwa ng EDSA ay nakaugat sa sama-samang pagkilos ng iba’t ibang sektor at relihiyon—isang aral na dapat ipagpatuloy ng kabataan.

Naging mapayapa ang kabuuang pagtitipon, at nagsilbi itong plataporma upang maipahayag ang mga hinaing at panawagan ng ilang mamamayan kaugnay ng pamamahala at pananagutan, mga isyung patuloy na iniuugnay sa diwa ng People Power makalipas ang apat na dekada.