--Ads--

‎Tumanggap ng iba’t ibang klase ng tulong ang 406 na residente ng Bayan ng San Isidro bilang benepisyaryo ng isinasagawang humanitarian response ng Philippine Red Cross (PRC), bilang tugon sa mga pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo sa lugar.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mark Anthony Quitola, Officer-in-Charge ng Philippine Red Cross, bukod sa pamamahagi ng mga relief packs ay naghatid din ang kanilang hanay ng iba pang serbisyo tulad ng libreng pagkain, medical assistance, at iba pang kinakailangang tulong para sa mga apektadong pamilya. Aniya, apat na lugar sa lalawigan kanilang ang Bayan ng Echague, Cordon, at Dinapigue ang kanilang babahagian ng humanitarian relief upang mas maraming residente ang matulungan.

‎Kabilang sa mga barangay na nabigyan ng tulong ang Barangay Gomez, Quezon, Ramos East, at Ramos West. Patuloy naman ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at ng Philippine Red Cross upang matiyak na maabot ang mga higit na nangangailangan ng agarang ayuda.

‎Nagpahayag naman ng lubos na pasasalamat si Vice Mayor Artemio Tumamao Jr. sa patuloy na suporta ng PRC. Ayon sa kanya, malaki ang naitulong ng organisasyon lalo’t labis na naapektuhan ang bayan ng San Isidro ng mga nagdaang bagyo, na nagdulot ng pinsala sa kabuhayan at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente.

--Ads--

‎Nagpasalamat din ang mga benepisyaryo sa natanggap na tulong na anila’y malaking ginhawa sa kanilang pamilya sa gitna ng patuloy na pagbangon mula sa kalamidad.