Umabot na sa 4,241 ang bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang mga dependents na nailikas ng pamahalaan mula sa Gitnang Silangan sa gitna ng patuloy na kaguluhan sa Gulf Region.
Pinakamalaking bilang ng repatriates sa isang araw ang naitala nitong Biyernes Santo, Abril 3, nang dumating ang ikapitong chartered flight ng gobyerno sa Villamor Air Base, Pasay City. Ang eroplanong mula sa UAE-based aviation company na Aquiline International ay nagdala ng 344 repatriates, kabilang ang 228 OFWs, 68 dependents, at 48 stranded Filipinos.
Personal silang sinalubong ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, na kasama rin sa biyahe, at ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator PY Caunan. Namahagi ng stuffed toys sa mga bata at matatanda bilang munting pasalubong.
Mas maaga ring dumating sa NAIA Terminal 3 ang 244 OFWs mula Bahrain at kanilang pamilya sakay ng Gulf Air Flight 154 mula Dammam, Saudi Arabia.
Ayon sa DMW, may karagdagang 22 repatriates na darating pa ngayong gabi at 65 pa sa katapusan ng linggo, sakay ng mga commercial flights na sagot ng pamahalaan ang pamasahe.
Tinatayang 1,500 OFWs at kanilang dependents, karamihan mula UAE, ang naghihintay pa ng repatriation. “Napakahalaga na bigyan ako ng direktiba ng ating Pangulo na pumunta sa Dubai, tingnan ang kalagayan ng ating mga OFWs, at makipag-ugnayan sa pamahalaan ng UAE,” pahayag ni Cacdac.
Nakipagpulong siya kay UAE Minister of Human Resources and Emiratisation Dr. Abdulrahman Abdulmannan Al Awar, kung saan nagpasalamat siya sa pangangalaga ng UAE sa mga Pilipino.
Tiniyak ng DMW at OWWA na may karagdagang tulong para sa mga repatriates gaya ng travel accommodation, livelihood assistance, at job-matching para sa mga nais muling magtrabaho sa ibang bansa.











