CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isang binata na inaresto sa Abut, Quezon, Isabela dahil sa pagbebenta ng Marijuana.
Mahigit 5 kilo ng Marijuana ang nasamsam sa isinagawang drug buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Isabela, City of Ilagan Police Station, Quezon Police Station at mga miyembro ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office at Quirino Police Provincial Office kabilang ang MASAMASID.
Naaresto ang nagbebenta ng Marijuana na si Boyet Appag, 21 anyos at residente ng Loccong, Tinglayan, Kalinga.
Unang nagkipag-transaksiyon ang suspek sa mga otoridad at nakipagkasundong dadalhin niya ang droga sa Lunsod ng Ilagan ngunit biglang nagbago ang isip at sinabing sa Barangay Abut, Quezon na lamang dadalhin.
Nasamsam sa pag-iingat ni Appag ang tatlong bricks ng pinatuyong dahon ng Marijuana at tatlong packs ng pinatuyong dahon ng Marijuana na may timbang na 5.3 kilograms.
Nasamsam din kay Appag ang isang piraso ng genuine 1,000 at 24 na piraso ng 1,000 boodle money at isang cellphone.












