
CAUAYAN CITY – Nakatanggap na ng indemnity claims ang libu-libong magsasaka sa rehiyon dos mula sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCIC Claims Division Chief Margareth Memam, sinabi niya na mula kahapon ay nasa 79,201 na magsasakang apektado ng tagtuyot ang nagfile sa kanilang tanggapan at nasa 56,000 na ang kanilang natugunan.
Sa 56,000 aniya ay mayroon pang sampung libo na hindi naaprubahan o na-deny ang mga papeles dahil hindi insured ang kanilang mga sinasaka.
Marami pa aniya silang papeles na pinoproseso para naman sa mga nasalanta ng mga nakaraang bagyo at pagbaha.
Ayon kay Chief Memam, nakadipende ang makukuhang indemnity claims sa area ng sinasakang naapektuhan ng tagtuyot, bagyo o pagbaha, pati na ang halaga o lawak ng pinsala ng kanilang pananim.
May damage matrix ding ginagamit ang PCIC para malaman kung saang bracket kabilang ang isang nag aapply.
Dagdag pa niya, ATM Card at Cheque ang kanilang ginagamit na mode of payment sa mga magsasakang makakakuha ng indemnity claims.
Inanyayahan naman ni Chief Margareth Memam ang mga magsasaka na mag apply na upang sila ay makabangon din sa mga pinsalang idinulot ng mga nagdaang tagtuyot at mga pagbaha na dulot ng bagyo.
Maaring magtungo ang mga magsasakang insured ang nasirang pananim sa mga service desks ng PCIC, sa Office of the Municipal Agriculturist o sa mga LGUs.










