CAUAYAN CITY – Mahigit 5,000 na libong atleta mula sa 9 na delegasyon sa buong region 2 ang magpapakitang gilas, magtatagisan ng lakas, husay at galing sa taunang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2017 na nagsimula kahapon sa City of Ilagan Sports Complex sa City of Ilagan na siyang kabisera ng Isabela.
Ang Tuguegarao City ang host sana sa CAVRAA Meet 2017 ngunit ipinasa sa City of Ilagan dahil sa malaking pinsala na idinulot ng bagyong Lawin noong buwan ng Oktubre 2016 sa Tuguegarao City Sports Complex.
Ang tema ngayong taon ng CAVRAA Meet ay “Enriching cooperation through development in sports.
Mamayang alauna ng hapon ang grand parade ng mga delegado sa Rizal Park sa sentro ng Ilagan City patungong City of Ilagan Sports Complex ngunit nagsimula na kahapon ang mga aktibidad tulad ng grand welcome program at search for Mr. and Ms. CAVRAA 2017.
Naging mainit ang pag-welcome ng Ilagan City Government sa pamamagitan ni Mayor Evelyn Diaz sa mga delegasyon ng 5 na lalawigan at 4 na siyudad sa region 2 na kinabibilangan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Batanes, Lunsod ng Cauayan, Ilagan, Tuguegarao at Santiago.
Punong-puno ng mga panauhin at mga mag-aaral mula sa iba’t ibang mga paaralan ang dumalo sa welcome ceremony sa City of Ilagan Sports Complex.
Samantala, determinado ang delegasyon ng Isabela na maagaw sa Cagayan ang kampeonato sa CAVRAA Meet 2017.
Sa pamamagitan ng ibayong paghahanda at pinakamalaking bilang ng delegasyon, pursigido ang mga atletang Isabelenio na agawin ang korona mula sa defending champion Cagayan makaraang tumapos lamang sa 3rd place sa nakaraang CAVRAA 2016.
Ang Team Isabela ay binubuo ng mahigit 900 na atleta, technical at school officials.
Sinusundan ito ng Cagayan na may 700; Nueva Vizcaya at Ilagan City na may parehong 695; Tuguegarao City, 602, Quirino Province 591; Cauayan City, 500 habang ang pinakamaliit ay ang Batanes na may 51 lamang na delegado.
Mahigpit din ang seguridad sa CAVRAA Meet 2017.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni P/Supt. Ariel Narag Quilang, hepe ng Ilagan City Police Station na mayroong augmentation force mula sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa Isabela katuwang ang Provincial Public Safety Company, Traffic Managament Group at mga communications group na nagbibigay ng seguridad.
Samantala, bukas, February 24, 2016 ay gaganapin ang Mayor’s night sa City of Ilagan Community Center.
Sa Feb 24-26, 2017 ang game proper sa mga playing venues at sa Feb. 28, 2017 ang solidarity parade at closing program dakong 8am sa City Sports Complex.
Ang mga atletang magwawagi ng medalya sa CAVRAA Meet 2017 ay magiging kinatawan ng region 2 sa Palarong Pambansa na gaganapin sa Abril 2017 sa San Jose de Buenavista City, Antique.