--Ads--

CAUAYAN CITY – Darating sa region 2  sa Linggo, ikapito ng Marso ang mahigit limang libong doses ng Sinovac vaccines na  ibabakuna sa mga medical frontliners sa rehiyon.

Ang mga  mababakunahan ay ang mga medical frontliners sa mga government hospital na pinangangasiwaan ng DOH kabilang na ang Cagayan Valley Medical Center o CVMC  sa Lunsod ng Tuguegarao na aabot sa 2,482 na empleyado.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr, Glen Matthew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC na bago darating ang bakuna ay nag-organize sila ng COVID-19 vaccine task force na mangangasiwa sa vaccination.

Sinabi ni Dr. Baggao na magiging vaccination center ang CVMC at magiging trabaho ng COVID-19 vaccine task force ang pangangasiwa sa screening, assessment, actual na pagbabakuna at monitoring sa mga nabakunahan.

--Ads--

Ang mga nabakunahan ay oobserbahan sa loob ng isang oras upang malaman ang side effects ng itinurok na bakuna.

Ayon pa kay Dr. Baggao bago isagawa ang pagbabakuna ay isasagawa muna ang counselling sa mga matuturukan.

Ang CVMC ay mayroong 2,482 empleyado na sasailalim sa orientation na layuning ipaalam ang kagandahan ng mabakunahan kontra COVID-19.

Sinabi pa ni Dr. Bagggao na nag-survey na sila sa mga empleyado kung sino ang kusa at nakahandang magpabakuna ng SINOVAC at aabot na sa mahigit kalahati ng mga kawani ng CVMC ang handang magpakabuna.

Ang mga mababakunahan ng SINOVAC ay  labingsiyam hanggang limampu’t siyam na taong gulang lamang.

Sinabi pa ni Dr. Baggao na bagamat hindi sapilitan ang pagbabakuna ay kanilang binibigyang diin ang kahalagahan ng bakuna kontra COVID-19 sa kanilang mga frontliners.

Samantala, sinabi pa ni Dr. Baggao na kapag nakita ng mga mamamayan na nabakunahan na ang mga kawani ng CVMC ng Sinovac vaccines ay maaaring tularan ito ng publiko.

Sinabi ni Dr. Baggao na makukuha ang confidence ng publiko na ligtas ang bakunang Sinovac kapag nauna silang mga medical frontliners. 

Ang bahagi ng pahayag ni Dr. Glenn Matthew Baggao.