CAUAYAN CITY – Nasa mahigit 600 drug buy bust operations na ang naisagawa ng PDEA Region 2 na nagresulta ng pagkaaresto ng mahigit 700 na mga indibidwal kabilang ang 27 High Value Target at nasa 900 na ang tuluyang nasampahan ng kaso.
Ayon kay Regional Director Joel Plaza ng PDEA Region 2 nangunguna sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Unit o PDEA Region 2 ang shabu at pangalawa ang marijuana sa mga ginagamit na droga sa Rehiyon Dos.
Nasa 412 na gramo naman ng shabu ang nakumpiska mula sa mga anti illegal drug operation at 233kg ng marijuana ang narekober na tinatayang nasa 359 Milyon pesos ang market value.
Batay sa pinakahuling survey ng Dangerous Drug Board, lumalabas na 57 porsyento ng mga drug user ang gumagamit na ng marijuana at 35 porsyento na lamang sa mga ito ang patuloy paring gumagamit ng shabu.
Aniya, galing sa Metro Manila ang mga ibinibentang suplay ng shabu sa Rehiyon habang mula sa Ifugao at Kalinga naman ang suplay ng Marijuana.
Dagdag pa ni Regional Director Plaza, nagaganap na ang transaksyon ng iligal na droga sa social media na ipinapadala na lamang sa pamamagitan ng packages at parcel ng mga courier company.
Patuloy ang maigting na operasyon ng PDEA Region 2 katuwang ang PNP at ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan upang masugpo na ang iligal na droga sa Rehiyon Dos.