--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasabat ng mga kasapi ng San Pablo Police Station ang mahigit walong daang board feet ng iligal na pinutol na kahoy sa Dalena, San Pablo, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Roberto Guiyab, hepe ng San Pablo Police Station na ang pagkakasamsam nila ng 56 piraso ng iligal na pinutol na Gmelina na aabot sa 840 board feet at may halagang aabot sa P37,800 ay resulta ng isinagawa nilang anti illegal logging operation.

Ito ay sa tulong na rin ng mga opisyal ng barangay sa naturang lugar.

Ang nakakalungkot lamang ay hindi nahuli ang apat sa limang pinaghihinalaan dahil agad silang nakatakas.

--Ads--

Batay sa nahuling kasama nila na isang menor de edad, idedeliver ang mga naturang kahoy sa karatig na bayan ng San Pablo para gamitin sa pagpapatayo ng bahay.

Kabilang pa sa nakuhang ebidensya ay tatlong kolong-kolong at isang motorsiklo.

Sa ngayon ay inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 705 (illegal logging) para sa pagsasampa ng kaso sa apat na nakatakas na suspek habang ang naarestong menor de edad ay ipapasakamay sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD).

Tinig ni PMaj. Roberto Guiyab.