--Ads--

Ipinagmalaki ng mga opisyal ng Santiago City na nananatiling aktibo at compliant ang mahigit 90 kooperatiba sa Lungsod, bunsod ng mahigpit na pagsunod sa mandatory trainings ng Cooperative Development Authority (CDA).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Cooperative Development Officer Rodelio Diego, sinabi niyang may malaking papel ang pagsunod sa mga itinakdang pagsasanay ng CDA upang mapanatili ang maayos na operasyon ng mga kooperatiba sa lungsod.

Kabilang sa mga kinakailangang training ang Fundamentals of Cooperatives at Governance and Management, na dapat daluhan ng mga opisyal bilang bahagi ng kanilang responsibilidad.

Sa kasalukuyan, ayon kay Diego, umabot na sa 95 ang aktibong kooperatiba sa Santiago City mula sa dating 31, at lahat ng ito ay sumusunod sa mga alituntunin ng CDA.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na ang pagsunod sa mandatory trainings ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit naiiwasan ng mga kooperatiba sa lungsod ang pagkakaroon ng show cause order at ang posibleng pagkakatanggal sa rehistro.

Sa kabilang banda, tinatayang nasa humigit-kumulang 300 kooperatiba sa Region 2 ang nabigyan ng show cause order dahil sa hindi pagsunod sa nasabing requirement, at ilan sa mga ito ay tuluyan nang natanggalan ng rehistrasyon.

Dahil dito, patuloy na hinihikayat ang mga kooperatiba na sumunod sa mga programa at pagsasanay ng CDA upang matiyak ang kanilang katatagan at pagpapatuloy ng operasyon.